30 Enerro 2010 (Galing sa isa ko pong proyekto.)
Matagal nang nabanggit na ang sambayanang pilit gumagamit ng sariling wika ay malamang mas matatag kaysa iba na di gaya nito. Dahil pinagbabayanihan nga ito, ika nga ay pinagsasamahan. Kung ang isang bansa naman na nagmumukhang matatag sa kabila ng hindi paggamit ng sariling wika, ito ay maaring ibilang na tsambero lamang at walang tunay na katatagan. Gaya ng ipinapahayag dito, ang sumusunod ay mga dahilan ding patukoy sa paggamit ng Filipino.
Mapalad ang mga Pilipino at ang kanilang wika ay tugma sa pangangailangan ng maayos na pangangatuwiran. Dagdag pa, mapalad ang mga Pilipino at maging sa mga bayani nila ay mayroong mahigpit ang pagpapahalaga sa pangngatuwiran gaya nina Jose Rizal, Emilio Jacinto at Apolinario Mabini.
Kung bibigyan lamang ng kaukulang pansin, madaling makita kung bakit mahalaga ang pag-aaral sa kalikasan ng pangangatuwiran at pag-aaral nito sa Filipino. Bigyan ng pansin, halimbawa, ang mga kabihasnan ng mga pulis at mga sundalo.
"Malaon nang patay si Dario nang maganap ang mga pangyayari. Kung si Antonio ang nagnakaw, pihadong si Hamilo ay kasangkot. Kung si Berto ang nagnakaw, pihadong si Inigo ay kasangkot. Alin man ang parehong si Hamilo at si Inigo ang nagnakaw o parehong si Kulas at si Dario ang nagnakaw. Sino pa sa mga nabanggit ang hindi kasangkot sa mga pangyayari maliban kay Dario?"
Para sa isang alagad ng batas, mayroon talagang pagkakataon na kinakailangang sagutin ang mga ganitong katanungan. Batay kung sino ang mahusay sa pagsagot sa mga ganitong katanungan, siya ang itinatakda na mabilang sa hanay ng intelligence community – ito ay kung ang Mossad o New York Police Department, halimbawa, ang masusunod.
Sa isang palaisipang krimen, hindi nangyayari na lahat ng impormasiyon ay nalalatag para masuri ng mga alagad ng batas; malimit kinakailangang gamitan ng pangangatuwiran sa pagpupuno sa mga puwang sa pag-itan ng mga impormasiyon para nang sa ganoon ay mabuo kahit papaano kung ano talaga ang nangyari.
Sa kasamaang-palad, maaaring mangyari na ang isang alagad ng batas ay lumalabag sa karapatang pantao dahil sa kahinaan niya sa maayos na pangangatuwiran.
"Kung ang isang indibiduwal ay miyemboro ng National Democratic Front, siya ay malimit sasama sa mga rally sa Mendiola. Malimit ang isang indibiduwal ay sumasama sa mga rally sa Mendiola. Samakatuwid, siya ay miyemboro ng National Democratic Front. "
"Kung ang isang indibiduwal ay kasama sa mga nagplano ng coup-de-tat, siya ay sasama sa mga magbabantay sa mga gate ng Fort Bonifacio. Nagbabantay nga siya sa mga gate ng Fort Bonifacio. Samakatuwid, siya ay kasama sa mga nagplano ng coup-de-tat."
Hindi ba at kaawa-awa naman kung mayroong ganitong indibiduwal na makikitang malimit kasama sa mga rally sa Mendiola at nakikita pang kasama sa mga nagbabantay sa mga gate ng Fort Bonifacio? Papaano kung ang tinutukoy na indibiduwal dito ay si Pres. Cory Aquino?
Ang ganitong mga pangangatuwiran ay walang pinagkaiba sa kaayusan ng sumusunod ng katuwiran.
"Kung ang isang indibiduwal ay mayroong malalang AIDS, siya ay lalagnatin. Siya nga ay nilalagnat. Samakatuwid, siya ay mayroong malalang AIDS."
Sa mga palaisipang krimen gaya ng binabanggit dito, hindi malayo na kung mayroong alagad ng batas na mahina sa pangangatiwiran, siya ay gagamit ng ibang paraan para nang mapuno ang mga kakulangan sa impormasiyon nang sa ganoon nga ay malaman ang tunay na mga pangyayari. Isang pamamaraan ay ang pagpapanggap at pakikihalubilo sa mga kriminal. Matalab man o hindi, ang ganitong pamamaraan ay may bitbit na mga komplikasiyon kagaya ng pagkakahawa sa kaugalian ng mga kriminal o pagkadisgrasiya na dulot ng pagkakadiskubre ng pagpapanggap na ginagawa.
Kung tutuusin, maaaring malaking bahagi ng mga paglabag sa karapatang pantao ng mga pulis o mga sundalo ang mababawas kung sana ay mapapahusay sa maayos na pangangatiwiran ang mga pulis o mga sundalo nga. Dagdag pa, kung tutuusin din, maaaring malaking bahagi ng mga pulis o mga sundalo ang mababawas sa mga nasasama sa mga sindikatong kriminal sa kanilang hanay kung sana ay mapapahusay sa maayos na pangangatiwiran nga sila. Dagdag pa rin, kung tutuusin din, maaring malaking bahagi ng mga pulis at sundalo ang mababawas sa mga nadidisgrasiya sa kanilang hanay kung sana ay mapapahusay sa maayos na pangangatiwiran nga sila.
Sa kasamaang-palad, marami sa kapulisan at sandatahang lakas ang walang kahusayan sa Ingles, isang hindi maiiwasang pangangailangan kung gagamit ng mga mahusay ng mga libro sa pag-aaral ng pangangatuwiran. Sa kasamaang-palad, wala namang mga libro sa pangangatiwiran ang nakasulat sa Filipino (Mayroong isa na naisulat ng may akda rito at nalathala na sa U.P. nang 2001 para nga magamit ng kapulisan o sandatahang lakas kung mayroong iteresado).
Ang pangangailang ganito ng kapulisan at ng sandatahang lakas sa kahusayan sa maayos na pangangatiwiran ay isa lamang sa maraming mga maaaring maging halimabawa ng pangangailangang pag-aaral sa kalikasan ng pangngatuwiran at pag-aaral na ganito sa Filipino.
Mapapansin na ang ginagamit dito ay ang katagang “katuwiran” at hindi ang “katwiran” na siyang pangkaraniwang ginagamit ngayon ng mga akademikong mahilig gumamit ng Filipino. Ang paghahanda sa paggamit ng Informaton Communication Technology (ICT) ang siyang dahilan kaya ganito ang pagbaybay na sinusunod.
Age of Informaton Communication Technology, o Age of Information Technology (IT), ang tawag sa pahanon ngayon. Ang ibig sabihin, sa panahon ngayon, walang mga ekonomiya ng isang bansa ang maaaring maging competitive kung hindi ito gagamit ng information technology. Mapapansin na ang ICT ay nakasalalay sa computer technology. Mapapnsin rin na ang isa sa mga haligi nitong computer technology naman ay lohikang matematikal, disiplina ng pag-aaral ng kalikasan ng pangangatuwiran. Narito ang ugnayan.
Ang kaayusan ng wikang Filipino ay tugma sa alibatang pagbaybay. Kung susuriin ang katagang “bababa” gamit ang Greco-Roman na pagbaybay, anim na letra ang kailangan; sa pag-encode sa computer, anim na pindot sa keyboard ang kailangan. Kung ipagpapalagay na mayroong magagamit na word processor na ang gamit ay kaayusang alibata at gumagamit ng mga alibatang charater (hindi malayo sa kaayusang Hiragana o Kanji ng mga Hapon, halimabawa), makikitang tatlo lamang na mga character ang kailangan; sa pag- encode sa computer, ang tatlong pindot lamang sa keyboard ang kailangan.
Isa sa mga dahilan kaya ayaw na ayaw ng nakararaming mga estudiyante ang gumamit ng Fillipino sa pagsusulat, computer man o papel ang gamit, ay sa dahilang mas mahirap isulat ang kailangang isulat kung Filipino ang gagamitin kaysa Ingles. Sakaling malatag na ang paggamit ng word processor na Filipino at ang gamit ay kaayusang alibata, malaki ang maaaring mabawas sa hirap ng paggamit ng Filipino; mas malaki ang pag- asang mayroon at mayroon pa ring gagamit ng ganitong word processor gaya ng mga nasa broadcast o print media.
Balik sa usapaing pulis at sundalo, sa madaling sabi, maaaring malaking bahagi ng mga paglabag sa karapatang pantao ang mababawas kung sana ay mapapahusay sa maayos na pangangatiwiran ang kapulisan at sandatahan lakas. Dagdag pa, maaaring malaking bahagi ang mababawas sa mga nasasama sa mga sindikatong kriminal o kaya mababawas sa mga nadidisgrasiya mula sa hanay ng kapulisan at sandatahang lakas kung sana ay mapapahusay sa maayos na pangangatiwiran ang kapulisan at sandatahang lakas nga. Dagdag pa, malaking tulong rin sa panahong mahalaga ang ICT ang pagkakaroon ng malawak na kaalaman sa kalikasan ng pangangatuwiran, lalo na kung gagamit ng lohikang matematikal sa ganitong pag-aaral. At, sa huli, malaking tulong rin kung sa pag-aaral na ganito ay Filipino ang gagamitin.
Photograph is a selfie of the author at the end of a lecture for one of his classes at U.P. a couple of years ago.
Comentarios